
by Boris Joaquin | Executive Chronicles.com |
Ilang araw bago iproklama ng Kongreso si Congresswoman Leni Robredo bilang Vice President-elect, nagkaroon ako ng pagkakataong makapanayam siya. Dahil madalas niyang mabanggit ang paninilbihan sa mga nasa “laylayan” ng lipunan, tingnan natin kung anong inspirasyon ang mahahango natin para sa pang-araw-araw nating paninilbihan, mula sa kanyang halimbawa ng “laylayan” leadership:
BJ: Ano sa palagay ninyo ang paraan para maging matagumpay ang isang gobyerno?
LR: Ang pagtingin ko sa governance inclusive, participatory at empowering: ang pagbibigay ng mas maraming boses sa tao. Hindi strong government kundi strong constituency. Napakita na namin ito sa Naga na posible. Kapag ganitong klase ang governance, yung mindset ng constituency umiiba — hindi nagiging demanding. Tinitingnan niya yung sarili na bahagi siya, hindi beneficiary lamang.
Ngayon, very critical tayong lahat sa gobyerno, kasi nag-e-expect tayo na ito ang kailangan nating matanggap. Pero it will never be enough. Kahit gaano kahusay ang gobyerno, parating kulang. Pero kung pinaramdam ng tao bahagi siya ng gobyerno — una, dahil naiintindihan niya kung ano ang nangyayari — kaya yung transparency number one — mas forgiving siya sa shortcomings. Pangalawa, may ownership siya sa successes. Pag ganyan ang kanyang pakiramdam, hindi lang siya nagiging critical, kundi mas collaborative siya. Nare-recognize niya na yung benefits na nare-receive niya, may kaakibat na obligasyon. Tingin ko yun ang mas sustainable.
Sa Naga, hindi nakabase sa isang tao ang success. Hindi sinasabing mahusay ang Naga dahil kay Jesse Robredo. Mahusay ang Naga dahil ang tao mahusay. Kahit wala si Jesse Robredo, mas magiging mahusay pa siya. Parang yung recognition na “Wala akong monopoly ng husay, pero nagiging inspirasyon ako.” Ang tawag namin dyan sa Naga, “Making the best, better.” Kasi dino-draw out ang best in you. Halimbawa, sa rank-and-file sa City Hall, sobrang dami ang nag-shine doon. Sa Naga City People’s Council, may boses lahat, pinapakinggan.
BF: Kapag Vice President na kayo, paano ninyo maisasakatuparan ang ganitong klaseng governance?
LR: Hindi ko alam sa position ko, kasi limited ang aking authority. Actually mas powerful ang mayor kesa vice president: kasi ang mayor, sa area of jurisdiction niya, magagawa niya ang lahat. Sa VP, parati kang subservient. Pero ako umaasa na bigyan ako ng maraming elbow room para ipakita na yung paniniwala ko, kaya sa national scale.
Syempre, marami ang resistance. Pero kung tingnan mo yung mga bills na filed ko in Congress, lahat talaga about transparency, accountability, people empowerment. Kasi tingin ko yun ang basics.
Lahat ng mga proyekto ginagawa base sa isang basic na paniniwala ng gobyerno every step of the way. For example, lahat ng LGU, mayroong City Youth Week, City Youth Month. Sa Naga, we took it to the next level: pag summer, ang mga city youth officials talagang umuupo as mayor, vice mayor, councilors. Nakakapagpasa sila ng batas. Pinaparamdam mo na bahagi sila. Tingin ko, napakalaking bagay noon kasi ang paniniwala sa sarili, lumalakas; ang paniniwala sa gobyerno, lumalakas.
Kasi minsan kahit yung gobyerno matino at mahusay, kung hindi very transparent, yung trust issues, malaki pa rin. Halimbawa yung gobyernong ito, sobrang daming magandang ginawa, pero baka nakulangan sa pag-communicate. Kailangan, para ramdam ng tao, hindi lang “Kayo ito,” kundi “Tayo ito.”
Ang tao, kapag nararamdaman niyang kabahagi siya, iba ang level ng participation. Sa distrito ko, ang dami kong nagawang hindi naman gobyerno ang nagpondo. Yung nutrition program, DRRM at health program, puro privately funded — lahat, dahil (marami ang) nagtitiwala. Kasi ang dami naming mga taong wala sa gobyerno na tumutulong. Kailangan lang nilang ma-assure na yung itinutulong nila, napupunta sa mabuti. Kaya, sa akin, dahil parang na-cultivate ko yung ganoon, at dahil na rin sa magandang pangalan ng asawa ko, parang naging madali ang partnership.
BJ: Paano ka naiiba sa mga matagal nang mga pulitiko sa ating bansa?
LR: May paniniwala sa pulitika that you spend time and money where the returns are big. Kung may choice ang pag-spend mo ng time, dahil politiko ka, pupuntahan mo yung mga heavily populated na mga lugar, kasi pagdating ng susunod na eleksyon, iyon ang magbibigay sa iyo ng boto. Pero ako, never ko siyang tiningnan sa ganun. Mas tinitingnan ko yung mga tao na hindi pa nararating ng iba. At wala silang konsepto ng gobyerno at kung ano ang pwede nilang asahan sa gobyerno. Sila ang dapat kong puntahan.
Naging struggle sa akin ito noong naging congresswoman ako. Kasi parati akong kinokontra ng iba. “Bakit ka pupunta doon, eh maglalakad ka ng ilang oras — tapos 30 tao lang ang nakatira. Bakit ka mag-spend ng two million for a hanging bridge na 40 estudyante lang yung dadaan?
Kasi ang pagtingin ko diyan baliktad: kaya konti ang nakatira dun kasi hindi mo binibigyan ng facility. Pero kapag nanganak na doon yan, ine-expand mo ang development, rather than buhos ka nang buhos ng pera sa mga overpopulated na. Parang Manila. Tingan mo kung ano ang pinagkakagastusan natin: ang bulk ng budget natin napupunta sa (National Capital) region , kaya lahat ng tao nandito. Yung ibang lugar, very promising naman, pero hindi masyado nabibigyan. Sa amin, ganoon din: dati lahat ng tao nasa Naga, pero ngayon… Dahil binibigyan mo ng pagkakataon ang iba.
Yun naman ang pulitika ko: parati kong iniisip hindi lang yung susunod na eleksyon. Natutunan ko yan sa asawa ko. May dalawang klase kasi ng pulitiko. May isang hindi masyadong give ng give. Yung first two years, relax lang. Pero sa last year, doon ibubuhos lahat. Ang asawa ko hindi ganyan. Sa kanya, ibuhos mo na lahat. Ako ganun din.
Halimbawa, sa Ocampo, parang yung urban lang sa kanilang area, tatlo o apat na barangay. Hindi ko pinupuntahan yung urban. Pinupuntahan ko yung rural — na marami nang NPA; maglalakad ka whole day na ang maaabutan mo siguro, five families. Magte-trek ka, kasi walang daan, walang lahat. Pero pag-akyat ko, ang laking bagay. Nabigyan mo ng importansya yung tao doon. And word gets around. “Wala pang nakapunta dito na iba, si Ma’am pa lang.” Mas tinitingnan ko ang lahat ng bagay sa returns na hindi kaagad nakekwenta. Ang pakiramdam ko, ang measure parati, yung hindi nakikita kesa sa nakikita. Yun ang mas sustainable na measure.
BJ: Ito ba ang nangyari sa kampanya?
LR: Yung ibang mga pulitiko sasabihin na sira ang ulo ko. Halimbawa nung kampanya, may six to eight sorties. Pero lulusot ako ng isa pa for the soul. Halimbawa pumunta kami ng Aklan. May isang fishing community, pumunta kami — 20 tao ang kausap ko. Mas matagal akong nag-spend time doon, pero umalis ako na happy ako. Pumunta ako sa Pampanga. Umakyat ako sa Pinatubo, pumunta ako sa Porac. Pag-akyat ko, may 20 din na mga Aetas. Hindi naman ako nag-speech. Nag-program kami, singing and dancing. Ako pa nga ang nag-emcee. Tuwang-tuwa sila. Posibleng pag-alis ko, hindi na nila maalala yung pangalan ko; pero yun ang reward na hindi mapapalitan. Iyon ang nilu-look forward ko parati.
—
BONUS VIDEO: A peak into the author’s intro conversation with the VP-elect: